
Aktibong lumahok ang mga muling nahalal na alkalde ng lalawigan at kanilang mga kaakibat na opisyal sa Newly Elected Officials (NEO) Refresher Course for Re-Elected Officials noong Agosto 6–8, 2025 sa SMX Convention Center, Clark, Mabalacat City, Pampanga. Sa pangunguna ng DILG Gitnang Luzon, ang programang may temang “Transformative Leadership for Elevated Governance” ay naglalayong palalimin ang kaalaman ng mga lokal na lider sa makabagong pamamahala at serbisyo publiko.
Sa tatlong araw na pagsasanay, tinalakay ng mga eksperto ang mahahalagang paksa tulad ng mahusay na lokal na pamamahala, disaster resilience, pagpapaunlad ng lokal na ekonomiya, sustainable development goals, infrastructure governance, at inobasyon sa operasyon ng lokal na pamahalaan.
Tampok din sa aktibidad ang mga usapin sa digital governance, leadership branding, social media, food security, at turismo. Ibinahagi rin ang kahalagahan ng inter-LGU cooperation at pakikipagtulungan sa pribadong sektor sa pamamagitan ng public-private partnerships.
Sa huling araw, binuo ng mga opisyal ang kanilang Local Governance Canvas na naglatag ng malinaw na estratehiya sa pagpapatatag at pagpapaunlad ng kani-kanilang komunidad. Sinundan ito ng isang awarding ceremony para sa mga muling nahalal na opisyal bilang simbolo ng kanilang panibagong panata sa tapat, mahusay, at makabagong paglilingkod sa bayan.