Matagumpay na isinagawa ng Panlalawigang Pamahalaan ng Pampanga, sa pangunguna ni Kgg. Lilia G. Pineda, Gobernador, ang aktibidad na pinamagatang “Pampanga Business and Investment Forum 2025: Growth with Integrity and Sustainability” ngayong araw, ika-27 ng Agosto, 2025, sa Kingsborough International Convention Center, Lungsod ng San Fernando, Pampanga.
Ang nasabing aktibidad, na dinaluhan ng mga pampublikong opisyal, negosyante, miyembro ng Pampanga Chamber of Commerce and Industry, Inc. at kinatawan mula sa iba’t ibang pribadong sektor, ay naglalayon na pagtibayin ang pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at pribadong sektor upang patuloy na yumabong ang komersiyo at kalakalan, madagdagan ang trabaho at mas mapaunlad ang ekonomiya sa lalawigan.
Binigyang diin ni Kgg. Pineda ang kahalagahan ng pagkakaroon ng magandang ugnayan sa pagitan ng mga lalawigan, lungsod, bayan o barangay at sektor ng pagnenegosyo na magsisilbing daan para makalikha ng maraming oportunidad na magtataas sa kalidad ng buhay ng bawat Kapampangan.
Buong pagmamalaki ring ibinahagi ni Kgg. Pineda na ang lalawigan ng Pampanga ay mayroon lamang isang porsyento (1%) ng poverty rate na sumasalamin sa tapat at malinis na paglilingkod - serbisyo na walang bahid ng korapsyon, kundi puno ng integridad at pagmamahal para sa mga mamamayan.
Kabilang sa mga tinalakay sa Forum ay ang Republic Act 11032 o mas kilala bilang Ease of Doing Business Law, mga programang sumusuporta sa mga MSMEs, Environmental Compliance for Sustainable Enterprises, Suporta ng Lokal na Pamahalaan at Balangkas para sa mga Namumuhunan, Investment Opportunities sa Pampanga at Inisyatiba patungkol sa Flood Mitigation.
Bukod pa dito, ang Panlalawigang Pamahalaan ay nagbalangkas ng dalawang (2) Ehukutibong Kautusan na may paksang “Creating Pampanga Provincial Business and Industry Development Council (PPBIDC)” at “Creating Provincial Ease of Doing Business Task Force (PEODB-TF)” upang masiguro ang mas madali at epektibong proseso patungkol sa komersiyo, turismo, at kalakalan. Ito rin ay matibay na batayan para maiwasan ang katiwalian sa lahat ng antas ng pamahalaan at mga ilegal na negosyo. Nilagdaan din ng mga Punong Bayan/Lungsod ang Statement of Pampanga Mayors for Good Governance na nagpapakita ng kanilang dedikasyon na itaguyod ang mahusay at malinis na pangangasiwa.
Sa pamamagitan ng nabanggit na aktibidad ay unti-unting nagiging sentro ang Pampanga ng mayabong na industriya, malakas na pwersa ng manggagawa at tuloy-tuloy na pagsulong – komunidad na may malinaw at maliwanag na kinabukasan.










